You are currently browsing the daily archive for September 16, 2008.

(1st runner up winning piece during the Pahamapang 2008 “Sibol Competition”)

Dagundong at Sigaw, signos ng Pagbabago…

Bagsik at talis ng isipan, armas ng kamalayan… Makibaka… Huwag Matakot…

Ito ang uring sigaw na mapagpalaya, sigaw na siyang dala-dala sa luntian at pulang tanikala.

Mga saltik ng dila na tila’y walang katapusan, sa paghimagsik, patuloy pa rin ang laban.

Sa lansangan ng EDSA, Recto at Mendiola, mabagsik na panawagan ng iyong kabataang malapad ang kamalayan. Sa isang saglit, namulat ang isipan, sa mundong tila walang kasaganaan.

Ang bukod tanging Pamantasan, matalinhaga’t dakila. Pinagmulan ka ng mga bayaning makabayang, bayaning makabansa. Ang iyong angking galing ang siyang pumupugay, mapa – Pilipino man o dayuhan, sa sining man o agham. Na sa tuwing pagsilip ng araw, iyong pangalan ang siyang dumadalaw, sa aking isipan na nagbibigay buhay sa aking kamalayan. Kung kaya’t ang buong siglo mong kasaganaan ay iyong maipagmalaki magpakailanman.

Ngunit ano nga ba ang batayan ng tunay na kadakilaan? Ito ba ang buhay na dapat sundan?

Minsa’y napaisip ako kung ang Pamantasan ng Bayan ang siyang tagapagligtas ng mga suliranin ng ating lipunan! Kung siya rin ang lumuwal ng ating kasaysayan at siya ring bantay ng ating kalayaan. Ano nga ba ang hantungan ng ika-isandaang taon ng Pamantasan? Patuloy pa rin ba ang mungkahing pagbabagong katuparan? Sa dagliang tingin, tila makakayanan ang pagbabago ng dugmok na lipunan.

Subalit, aking napansin, na sa pagtuwid ng alon, yaong apoy unti-unting nilalamon ang dakilang rebolusyon. Na sana’y kandungin ka sa ulap ng unibersidad, siya pa ang nagsilbing ganid at tuluyang nagpasiklab. Inaabuso’t, namamatay ang iyong galing sa sistemang dulot ng pansariling angkin. Kunwari’y magagaling, kunwari’y matatapang yaong matatalinong Iskolar na kunwari’y pag-asa ng bayan. Sa kaniyang baluktot na kaisipan, tuluyang namanhid ang diwa ng pagiging makabayan.

Nasaan na ang pangako ng malayang Unibersidad, na sa pagdating ng araw, maging katwiran ka ng edukasyong dekalidad. Inaasahang ituwid ang baluktot na sistema at baguhin ang bulok na pulitika, iyong karanasan ang masilbing ilaw para sa taumbayan. Ngunit, aking napansin na imbes pagbabago ang hangarin, Tuition Fee Increase ang iyong idiniin. Ilang beses pilit baguhin, ilang beses ding pilit supilin. Ngunit itong tanikala patuloy pa ring hanap-buhayin. Ito ba ang biyaya ng kagalingan? O dulot lamang sa kagustuhang magpakilanlan?

Ngayon atin sanang isipin kung ano ba tanikalang dapat tahakin? Sa tanikalang may puso’t damdamin, sa pamantasang puno ng adhikain, kadakilaan pa rin ang sigaw at mithiin. Kung ang Unibersidad ng Pilipinas ay sadyang pabaya, magiging dahilan ito sa kaniyang tuluyang pagkawala. Sa kasaysayan ng Pilipinas, ililibing sa limot at pagwawakas, sa nakaraang libong anino ng kamaong nakataas.

O, unibersidad ng bayan, ano nga ba ang pangako ng iyong ika-isangdaan? Sa kinabukasan, ang iyong Kabataan, sila raw ang pag-asa ng bayan. Sila raw ang maghahatid sa langit ng karangalan, o hihila sa kanya sa putik ng kahihiyan. Ngunit, kung ayaw mo silang tulungan, nararapat lamang na kami ang babangon at magpapatuloy ng himagsikan para sa kalayaang inaasam-asam.

Ayon na nga siguro na sa iyong ika-isandaang kaarawan, babalik at babalik kami sa mga lansangan. Upang ang iyong hangarin ng pagbabago ay makamit sa landas ng rebolusyon sasama kami at doon tutungo. Alam namin na sa pagdaloy ng buhay, ang kinagisnang kaginhawaan ay sa amin mahihiwalay. Sa iyong luntiang hangarin aming masilayan ang tamis ng iyong papawirin.

Iskolar ng Bayan… Tuloy pa rin ang laban…

Isangdaang taong isinisigaw, isang daan taong nangingibabaw…

Sa tanikalang luntian at pula, patuloy pa rin ang pakikibaka…

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.